Mapait na asukal - (Ika-58 Labas)

Wala ang mommy ni Jay ng mga panahong iyon. Nasa ibang bansa at abala sa negosyo. Mga maid lamang ang kasama niya sa bahay. Nagulat nga siya nang tawagan sa telepono ng lalaking nagturo sa kanya noon ng "kakaiba at mahiwagang laro". Akala niya’y wala na ang pangyayaring iyon at nalimutan na ng lalaki. Hindi pala.

Maraming ikinuwento ang lalaki. Iba raw si Jay. Kung bakit hindi malimutan ang nangyari sa kanila at hinahanap siya. Bakit daw hindi na siya aktibo sa pagsulat ng script at pagdalo sa teatro. Sagot ni Jay: Busy sa pag-aaral. Marami nang project. Kinulit siyang magkitang muli. Mahusay mangumbinsi. Matamis ang dila. Nami-miss daw si Jay.

Napapayag si Jay. Ayaw niya subalit sumisikad na naman ang damdamin.

Nasa club na ang lalaki nang dumating si Jay. Pasado alas-8 ng gabi. Ang club ay disente. Hindi lamang basta inuman. Dinadagsa ng mga kostumer na karamihan pa ay mga foreigner. Unang tapak ni Jay sa ganoong klase ng club. Naiilang siya sa pagpasok.

Nakita agad niya ang lalaking "ka-date". Nasa sulok at sumisimsim ng beer sa baso. Nakita rin siya. Nakangiti. Tinungo niya ang kinaroroonan ng lalaki.

Kumustahan. Naiilang pa rin siya. May pagtutol pa rin sa sarili niya. Hindi tama. Pero wala siyang magawa. May magneto ang lalaki na hindi niya maipaliwanag. Gayong alam na naman niyang iisa ang kanilang damdamin sa pakiwari niya’y mas malakas ang hatak ng lalaki at kahit anong gawin niyang pagtutol ay mangyayari uli ang "kinatatakutan" na sa kalauna’y kinasabikan din naman niya.

Tinanong ng lalaki kung ano ang gusto niyang orderin. Juice lang, sagot ni Jay. Ayaw daw ba niya ng beer. Umiling si Jay. Nagkuwentuhan sila. May kaugnayan sa teatro ang pinag-usapan. Na-relax si Jay. Natungo ang usapan sa kung anu-anong mga aktibidad sa buhay. Hanggang sa mapunta sa personal na buhay ng lalaki.

"Malungkot ang buhay ko," sabi ng lalaki. "Ikaw?"

"Okey lang," sagot ni Jay.

"Mga parents ko hiwalay. Hindi ko alam kung saan ako papunta."

Hindi malaman ni Jay kung ikukuwento ang buhay sa isang hindi naman gaano pang kilala.

"Naghahanap ako ng makakasama. Mabuti nakita kita."

Hindi na makapagsalita si Jay. (Itutuloy)

Show comments