Ikinuwento ni Lara sa kanyang daddy na biyuda na ang mommy ni Jay. Palibhasay maykaya ang pamilya kaya kasapi ito sa kung saan-saang organisasyon. Maraming mayayamang kaibigan. May sariling negosyo at kilala dahil nabibigyan ng awards ng kung anu-anong samahan.
Ikinuwento niya ang hitsura ng mommy ni Jay. Maposturyusang babae. Gayong may 60-anyos na ay slim pa rin ang pangangatawan dahil naalagaan ng ehersisyo. Hindi gaanong nagsasalita subalit kapag nagsalita naman ay may puwersa at may himig na pag-uutos. Bihira rin kung ngumiti.
"Baka simangutan lamang tayo kapag namanhikan na. Ayaw ko nang ganyan. Madali akong mapikon kapag sinisimangutan."
"Hindi naman siguro Daddy."
"Sabihin mo kay Jay na meron din naman tayong ibubuga at hindi basta-basta."
Naisip ni Lara ang mga hakbang na gagawin sa pag-uusap sa kanilang kasal kung saka-sakali. Kaugalian nang sa bahay ng babae ginagawa ang pag-uusap o pamanhikan sa idaraos na kasal. At naisip niya na baka kahiya-hiya ang bahay nila sa mommy ni Jay. Hindi naman lumang-luma ang apartment nila pero walang sinabi sa mansiyon nina Jay. Ang apartment pa naman nila sa Makati ay napapaligiran ng mga lumang bahay na yari sa kahoy. Bago marating ang kanilang bahay ay may dadaanang tumpok ng mga iskuwater na karaniwang may nag-iinuman sa kalsada at nagtitsismisan.
Sa ganoong sitwasyon ay isa ang kanyang naisip na plano. Hindi na lamang sa bahay nila gagawin ang pamanhikan. Sa ibang lugar na lamang gawin. Iyon ang sasabihin niya kay Jay. Ipagtatapat niya ang lahat kay Jay. Ayaw niyang mapahiya at mapintasan ng magiging biyenan. Ayaw niyang may masabi ito na magiging dahilan upang magalit naman ang kanyang daddy. Baka dahil doon ay masira ang mga plano nila ni Jay. (Itutuloy)