Pero bago niya ipinagkalat sa mga kaibigan at kakilala ang balak na pagpapakasal sinabi muna niya ito sa kanyang daddy. Higit sa lahat ang kanyang daddy ang dapat makaalam ng mga plano niya sa buhay. Kahit na ba sabihing hindi sila close ng kanyang daddy, e daddy pa rin niya ito. Saka napapansin naman niyang nagbabago na ang ugali ng kanyang daddy. Lalo pa nga nang ipakilala niya rito si Jay. Ewan niya subalit nahahalata niyang gusto ng daddy niya si Jay. Ang kanyang kuya lamang ang maraming pintas kay Jay. Nahihiwagaan daw. Hindi niya maintindihan ang kanyang kuya na parang ayaw siyang lumigaya.
Nilapitan niya ang kanyang daddy isang umaga ng Linggo. Nagbabasa ito ng diyaryo sa salas.
"Balak na naming magpakasal ni Jay, Daddy," marahan ang kanyang pagkakasabi.
Tumingala ang kanyang daddy. Hindi kumukurap sa pagkakatingin sa kanya. Hindi wari inaasahan ang sinabi niya.
"Ang bilis naman yata niyan," sabi nito. "Buntis ka na siguro!"
"Hindi Daddy. Gusto na kasi niya."
"E ikaw gusto mo na rin."
Napatango si Lara.
"Sabagay tumatanda ka na nga. Baka kapag pinalampas mo pa iyan e tumandang dalaga ka na at wala nang makagusto sa iyo. Kawawa ka naman. E kailan naman ninyo balak?"
"Wala pang date pero ngayong taon ding ito."
"Hindi ba mga matapobre ang magulang ni Jay. Baka maliitin lamang tayo. Kita mo naman na wala tayong gaanong ikakaya. Sabagay sa kanila ang lalaki, pero ayaw ko yung para tayong mini-menos. Kilala mo naman ako," Kinabahan si Lara sa sinabi ng ama. Naalala niya ang mommy ni Jay na sa tipo ay aristokrata at matapobre. (Itutuloy)