"Ikaw bakit hanggang ngayon e wala ka pa ring asawa kuno?" Tanong niya kay Jay.
Napatawa si Jay sa tanong niya. Napailing-iling.
"Marami akong naging girlfriend kaya lang hindi nagkatuluyan."
"Bakit?"
"Hindi magkasundo."
"Bakit nga?
"Mahirap ipaliwanag. Saka na lang."
"Daya nito. Marami na akong naikuwento sa buhay ko, ikaw kapiranggot pa lang."
"Darating tayo diyan."
Maraming tao sa bar na iyon sa Malate. Puntahan ng mga nagnais kumanta, uminom, makinig at makisayaw. Magandang lugar kaya may mga foreigners pang dumadayo. Isang kilalang singer ang naabutan nilang kumakanta roon.
"Magkaraoke tayo," yaya ni Jay.
"Sige,"
Parang bata na noon lamang nakalabas si Jay. Buhos na buhos ang sarili sa pagkanta. Pagkatapos ay siya naman. May itinatago rin siyang boses at inilabas niya iyon. Pinahanga si Jay. Nakatitig sa kanya habang kumakanta.
"Galing mo. Hindi ako nagkamali sa pagpili sa iyo," Sabi nito sa kanya.
Hindi niya iyon pinansin. Nang magsawa sila sa pagkanta ay lumipat sila sa may nagpe-perfom na singer. Nakinig sila habang sumisimsim ng juice.
"Hindi ka umiinom?" Tanong niya kay Jay. Ng alak ibig niyang sabihin.
"Hindi."
"Mabuti nga. Baka mabangga pa tayo kung iinom ka."
Dakong alas-10 ay umalis na sila. Inihatid na siya ni Jay sa bahay nila sa Makati. Gising pa ang daddy at kuya niya.
Sa pagkakataong iyon, pinilit niyang isama sa loob si Jay. Hindi tumanggi si Jay. Ipakikilala niya ito sa daddy at kuya niya.
(Itutuloy)