"Noon pay sinabihan na kita na bawasan na ang pagkain. Hindi ka nakinig. Ngayon ay malaki na ang problema mo," sabi ko kay Lara noon.
"Wala akong mapagbalingan ng mga sama ng loob."
"Gaga. Kalimutan mo na ang pagkamatay ng mommy mo. Ang intindihin mo e yang sarili mo. Kapag nagkasakit ka, lalo kang mamomroblema."
"Sa palagay mo, me magkagusto pa sa akin sa itsura kong ito?"
"Mukhang wala na. Ang hinahanap ng mga lalaki ngayon e iyong slim ang katawan. Gayahin mo ako, pamatay ang katawan," lumakad ako nang paseksi sa harapan niya. Kumimbot-kimbot ako habang nagtatawa.
"Masarap bang me boyfriend?" tanong ni Lara.
"Masarap. Kaya simulan mo na ang pagpapayat. Sa totoo lamang, puwede kang artista kung papayat ka."
Matapos akong ikasal ay hindi na nga kami masyadong nagkita ni Lara. Kung nagkakausap ay sa telepono lamang. Lalo nang naputol ang communication namin nang makakuha kami ng house and lot sa isang subdivision sa Quezon City. Nakatira sa Makati si Lara.
Nagbuntis ako at nanganak sa aming panganay ay hindi kami nagkita ni Lara. Lumipas ang tatlong taon at nagulat nga ako nang biglang sumulpot sa bahay si Lara. Buntis na ako sa ikalawa naming anak. Hindi ako makapaniwala sa nakitang kaanyuan ni Lara. Lalong gumanda. Seksi. Tipong artista talaga.
"Para kang nakakita ng multo," sabi niya sa akin.
"Hindi ako makapaniwala."
"Na magiging seksi ako."
Gustong lumuwa ng mga mata ko sa ganda ni Lara. (Itutuloy)