Sa tantiya koy mga 45-anyos si Carmen. Hindi siya kagandahan, kayumanggi at katamtaman ang pangangatawan. Nang malaman kong siya ang nurse na mag-aasikaso sa akin ay nakadama ako ng tuwa. Lumakas ang loob ko dahil Pilipino rin. Mayroon na akong mapagtatanungan na hindi na kailangang makipagbalitaktakan pa sa English. Sa ospital na iyon ay para na rin akong nakakulong. Walang makausap at walang mahingahan ng sama ng loob. Walang masabihan sa aking nadaramang kirot. Hindi naman ako madalaw nang madalas ni Elmer sapagkat me trabaho rin ito. Isa pay bawal doon ang madalas na dalaw at limitado ang oras. May kahigpitan sa ospital na iyon.
"Kabayan, hanggang kailan daw ba ako rito sa ospital?" Tanong ko kay Carmen.
"Mga dalawang linggo ka pa rito, Kabayan."
Matipid ang ngiti ni Carmen. Nasulyapan ko ang mapuputi niyang ngipin. Bagay sa kanya ang suot na puting uniporme. Nang iabot niya sa aki ang tableta ng gamot para inumin ay nasulyapan ko ang makikinis niyang braso. May ilang ugat akong nakita.
"Taga-saan ka sa atin Kabayan?" Tanong ko. Sa Pilipinas ang ibig kong sabihin.
"Laguna."
"Matagal ka na ba rito?"
"Matagal na."
Kinagabihan ay nagpunta na naman siya sa aking kuwarto. Matindi ang aking pagnanais na makilala siya nang lubusan. Lakas loob ko nang tinanong ang pangalan. Nagpakilala ito. Nagpakilala rin ako. (Itutuloy)