Ang kasamaan at kaibigan kong si Elmer ay hindi rin umuwi kahit na nagbanta na ng paglusob sa Saudi Arabia ang puwersa ni Saddam. Matibay ang aming loob. Si Elmer ay iba naman ang dahilan kung bakit hindi umuwi. Paano raw kung hindi na siya makabalik. E di wala na siyang trabaho? Nagliliparan ang scud missile sa Riyadh ay magkasama kami ni Elmer. Kung oras ng kamatayan tiyak iyon ay darating kung hindi, e di hindi.
Ipinagtapat ko kay Elmer ang pagkakahuli kina Nilda at Jeffrey. At na-shock pa rin ito kahit na nasaksihan nito ang kakaibang pagka-close ng dalawa nang maghatid siya ng chocolate noon. Ikinuwento ko nang buung-buo. Napa-tsk-tsk si Elmer sa mga narinig sa akin.
"Nasaan na raw ang asawa mong taksil?" tanong ni Elmer.
"Hindi ko alam. Wala na akong interes pa."
"Mula ba noong nahuli mo silang dalawa ay hindi na nagpakita?"
"Hindi na. Sabi ko kasiy huwag nang babalik at papatayin ko sila."
"Mabait ka rin at may takot sa Diyos."
"Di ba pinaalalahanan mo ako bago ako umalis. Nagliwanag din ang isip ko."
"Kung sa iba nangyari yan baka napatay ang asawa. Gaya ng nangyari sa isang kakilala ko na nasa Saudi Oger, pinagtaksilan din ng asawa. Nahuli rin niya na may kalaguyo ayun, binantayang pumasok sa motel at doon binaril. Patay pareho."
Wala akong kakibu-kibo. Naisip ko, mabuti nga at hindi ko napatay si Nilda. Pero kung nagpatalo ako sa galit, baka napatay ko ito sa bugbog.
Ilang buwan ang lumipas at natapos din ang giyera makaraang pagtulungan si Saddam ng US at Britain. Nakatanggap ako ng sulat kay Ching na nagbabalitang may bibili na ng aking bahay. Kasunod ng sulat ay ang pagtawag muli ni Ching sa telepono sa akin at nagbabalitang nagkita sila ni Nilda at inaway siya. (Itutuloy)