Ex-President Rodrigo Duterte, Ronaldo dela Rosa bigong makakuha ng TRO
MANILA, Philippines — Bigo ang kampo nina dating Pang. Rodrigo Duterte at Senador Ronaldo ‘Bato’ dela Rosa na agarang makakuha ng temporary restraining order (TRO) mula sa Korte Suprema kaugnay ng hiling nilang pigilan ang pamahalaan sa pakikipag-kooperasyon sa International Criminal Court (ICC).
Kasunod na rin ito nang ginawang pag-aresto ng mga otoridad kay dating Pang. Duterte kamakalawa bunsod ng kinakaharap nitong crimes against humanity sa ICC dahil sa kanyang war on drugs.
Sinabi ni Supreme Court (SC) Spokesperson Camille Ting, na matapos ang isinagawang deliberasyon sa 94-pahinang petisyon na inihain nina Duterte at Dela Rosa ay natukoy nilang hindi nakapag-establisa ang mga petitioner ng ‘clear at unmistakable right’ para sa agarang paglalabas ng TRO.
Gayunman, inatasan ng Mataas na Hukuman ang mga respondents sa petisyon na magsumite ng komento sa naturang petition with prayer for TRO and/or writ of preliminary injunction nang may ‘non-extendible period’ na hanggang 10 araw mula sa araw na matanggap nila ang kautusan.
Matatandaang unang naghain sina Duterte at Dela Rosa ng Petition for Certiorari and Prohibition with Prayer for the Issuance of Temporary Restraining Order (TRO) and/or Writ of Preliminary Prohibitory and Mandatory Injunction sa SC matapos na arestuhin ang dating Pangulo sa NAIA kamakalawa.
- Latest