Mayang (126)
Matapos makausap ni Mam Araceli si Colonel Buenviaje ay hintakot na nagtanong si Mayang.
“Ano ang sabi ni Colonel, Mam Araceli?’’
“Mag-ingat daw tayo, Mayang. Siguruhin daw natin na nakasara ang pinto at mga bintana. Huwag lalabas ng bahay.’’
“Sinabi po ba kung natunton na nila ang kinaroroonan ng mga puganteng sina Henry at Puri?’’
“Hindi. Siguro’y nag-iingat din siya sa pagbibigay ng inpormasyon at baka masira ang kanilang operasyon.’’
“Sana madakip nila ang mga pugante.’’
“Naisara mo ba lahat ng bintana at pinto, Mayang?”
“Opo Mam.’’
Mayroong ibinigay na puting papel si Lolo Nado kay Mayang.
“Ilagay mo sa iyong bulsa, Mayang.”
Kinuha ni Mayang at isinilid sa bulsa.
Binigyan din ni Lolo Nado si Mam Araceli ng papel.
“Salamat po Lolo.’’
“Makakatulong yan para hindi tayo mapasok ng mga masasamang loob. Pero isuot mo rin Mayang ang ibinigay kong agimat—yung pangil ng baboyramo.’’
“Opo, Lolo.’’
“Hindi tayo basta mapapahamak dahil protektado tayo ng agimat. Pero dapat pa rin tayong magdasal sa Diyos dahil siya ang makapangyarihan.’’
“Opo, Lolo Nado,’’ sabi ni Mayang.
“Tama ang sinabi mo Lolo, ang Diyos pa rin ang makapangyarihan,’’ sabi ni Mam Araceli.
Hanggang maalala ni Lolo Nado si Jeffmari, anak ni Mayang.
“Nasaan nga pala si Jeffmari, Mayang. Ba’t hindi ko nakikita?’’
“Nasa kuwarto po at natutulog.’’
“Kailangang maisuot din niya ang kuwintas na binigay ko.’’
“Opo. Pupuntahan ko po Lolo.’’
Nagmamadali si Mayang na tinungo ang kuwarto na kinaroroonan ni Jeffmari.
Bakit bigla siyang kinabahan?
Binuksan niya ang pinto.
Nagulat siya sa nakita.
(Itutuloy)
- Latest