EDITORYAL - Hangin sa Metro lalong dumumi dahil sa paputok
Ayon sa monitoring ng Environment Management Bureau (EMB) ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), ang kalidad ng hangin sa Makati, Pasay at Taguig ay ‘‘accutely unhealthy’’. Na-monitor ito ng EMB makaraan ang pagdiriwang ng Bagong Taon, kung saan nakulapulan ng smog (smoke at fog) ang papawirin ng Metro Manila. Hindi naman naitala ang kalagayan ng hangin sa iba pang lungsod dahil inaayos pa umano ang monitoring station ng DENR.
Kung naisaayos ang monitoring stations ng DENR sa buong Metro Manila, tiyak na lalabas na halos lahat ay unhealthy ang hangin dahil sa dami ng mga nagpaputok sa pagsalubong sa Bagong Taon. Halos wala nang makita sa papawirin dahil sa kapal ng usok mula sa paputok. Nadagdagan nang malaki ang nakalalasong usok sa papawirin ng mga lungsod sa Metro Manila.
Ang pagka-pollute ng Metro Manila na lumala pa dahil sa dami ng mga pinaputok noong Miyerkules ay sapat na para lubusang ipagbawal nang tuluyan ang mga malalakas na paputok. Sa kabila na bawal ang mga paputok na kinabibilangan ng Judas belt, Goodbye Philippines, plapla, piccolo, five star at iba pang malalakas na paputok, marami pa rin ang lumabag. Hindi masawata ang paggawa at pagbebenta ng mga paputok. Sa nakaraang New Year celebration, naging talamak ang bentahan online ng paputok. Hindi ma-monitor ng PNP ang mga nagbebenta online kahit nakipag-coordinate na sila sa mga sikat na kompanyang nagdedeliber ng produkto.
Ibawal ng pamahalaan ang paggawa at pagbebenta ng mga paputok upang maisalba ang tuluyang pagkalason ng hangin sa Metro Manila. Ang pagkalason ng hangin ay nagdudulot ng pagkakasakit ng mga tao. Lalong tumitindi ang lason dahil sa usok ng mga paputok.
Sa report ng Department of Health (DOH), ang mga sakit na nakukuha sa paglanghap ng hangin na may lason ay allergies, acute respiratory infections, chronic obstructive pulmonary diseases, cancer at cardiovascular diseases. Ayon sa report, 120,000 Pilipino taun-taon ang namamatay dahil sa paglanghap ng maruming hangin. Sa pinakahuling pag-aaral, pangatlo ang Pilipinas sa mga bansa sa Asia na maraming namamatay dahil sa air pollution.
Gumawa ng hakbang ang pamahalaan para lubusang maipagbawal ang paggawa at pagbebenta ng paputok sa buong bansa. Ibawal ito upang maisalba ang hangin sa Metro Manila. Kung sa ibang lungsod sa bansa ay bawal ang pagpapaputok, bakit hindi magawa sa Metro Manila.
Kung hindi maipagbabawal ang paputok sa mga susunod na pagdiriwang ng New Year, maraming mapipinsala hindi lamang ang kapaligiran kundi pati ang buhay ng mamamayan. Kumilos na sana ang pamahalaan ukol dito.
- Latest