EDITORYAL - Bawal nang lumangoy at maglaro sa baha
Nang bumaha sa Metro Manila noong nakaraang Hulyo at Agosto, naging malaking swimming pool ang maraming kalsada, underpass, at mga estero na maraming basura.
Pero hindi ito binigyang pansin ng mga tao lalo na ang mga papasok sa trabaho para maghanapbuhay. Kailangang lumusong sa baha para kumita at may maitustos sa pangangailangan ng pamilya. Kahit hanggang baywang ang tubig, lulusong para makarating sa pinagtatrabahuhan.
Ang ganitong aksiyon ay maliwanag na may dahilan kaya lumusong sa baha. Pero ang lumusong para mag-swimming, maglaro o kaya’y para magyabang lang, mahigpit na itong ipinagbabawal. Bawal nang lumusong sa baha particular ang mga bata para mag-swimming o kaya’y maglaro, ganundin naman ang iba pang indibidwal.
Inilabas ng Metro Manila Development Authority (MMDA) ang Regulation 24-003 na nagbabawal sa mga bata at matatanda na mag-swimming, maglaro at iba pang aktibidad sa baha na ang layunin ay maglibang. Hindi kasama sa regulasyon ang mga lumusong sa baha para maghanapbuhay o ang mga may kinalaman sa pag-rescue ng mga naiipit sa baha.
Ayon sa MMDA, nakadepende na sa local government units (LGUs) ang pagpaparusa sa mga lalabag sa regulasyon. Inihayag ni San Juan City Mayor Francis Zamora at president ng Metro Manila Council na papatawan ng P2,000 na multa ang mga magulang ng batang magsu-swimming sa baha. Sabi ni Zamora ang multa ay para malaman ng mga magulang na lubhang delikado ang pagligo sa baha sapagkat nakukuha rito ang mga sakit, partikular ang leptospirosis.
Nang bumaha dahil sa pananalasa ng Bagyong Carina, marami ang tinamaan ng leptospirosis. Marami ang na-confine sa National Kidney Institute Hospital at San Lazaro Hospital. Kinailangang gamitin ang gym para matanggap ang mga may lepto. Kinulang ng mga doktor dahil sa biglang pagdagsa ng mga pasyente.
Ayon sa DOH, may kabuuang 1,258 kaso ng leptospirosis ang naitala sa buong bansa at 133 ang namatay. Karaniwang tinatamaan ng lepto ay mga bata. Isinasailalim sa dialysis ang mga pasyente para lubusang maalis ang bagsik ng lepto sa napinsalang organs.
Sana ang pagbabawal sa paliligo sa baha ay maipatupad at hindi maging ningas kugon. Ang LGUs ang dapat magpatupad para lubusang makaiwas sa leptospirosis. Unahing pangaralan at suwestyunin ang mga magulang.
- Latest