Editoryal - Labag sa batas ang PDAF
SUPREME Court na ang nagsabi na labag sa KonstiÂtusyon ang Priority Development Assistance Fund (PDAF) o pork barrel. Ang deÂsisyon ng KaÂtaas-taasang Hukuman ay isang maÂlaking tagumpay sa nakararaming mamamayan na matagal nang humiÂhiling na ibasura na ang pondong pinag-uugatan ng korupsiyon. Ang pondong ito ang kinatatakaman ng mga mambabatas para makapuwesto. Ang nakalaang pork barrel para sa mga senador ay P100 million taun-taon samantalang P70 million naman sa mga kongresista.
Kahapon ay marami na ang nagpahayag ng kasiyahan sapagkat naibasura rin sa wakas ang pork barrel. Walang kumontra sa botohan ng mga mahistrado sa PDAF kaya 14-0 ang resulta. Talagang unconstitutional ang pondong ito na ginawa namang hagdanan ni Janet Lim-Napoles, umano’y utak ng pork barrel scam para makakamkam ng P10-bilyon sa pamamagitan ng pekeng non-government organizations (NGOs). Idiniin si Napoles ng sarili niyang mga tauhan. Ganunman, itinanggi ni Napoles ang akusasyon. Wala raw siyang alam ukol sa mga ibiniÂbintang sa kanya.
Kasabay sa pagbasura ng PDAF, agad din namang nagpasya ang Senado na tanggalin na ang pork barrel system sa Senado. Inihayag ni Senate President Franklin Drilon na nagkasundo ang mayorya ng mga senador na tuluyan ng tanggalin ang pork barrel. Ibig sabihin tanggal na ang PDAF sa 2014 national budget.
Maaaring matahimik na ang mamamayan ngaÂyong Supreme Court na ang nagpasya na ibasura ang PDAF. Maaaring mawala na ang mga protesta. Mula nang umalingasaw ang pork barrel scam, maraming pagtitipon na ang isinagawa na kumukontra sa PDAF. Banta ng mamamayan, hindi titigil hangga’t hindi ibinabasura ang PDAF.
Magkaganoon man, hindi pa rin dapat magÂtiwala agad ang mamamayan at matyagan pa rin ang pork barrel. Baka palitan lang ito ng pangalan pero ganoon pa rin ang sistema.
- Latest
- Trending