249 lugar nasa state of calamity, 8.6 milyong katao apektado
Hagupit ng bagyong Kristine at Leon
MANILA, Philippines — Umaabot na sa 249 lungsod at munisipalidad ang isinailalim sa state of calamity habang pumalo na sa 2.1 milyong pamilya o kabuuang 8.6 milyong katao ang apektado ng pananalasa ng bagyong Kristine at supertyphoon Leon, ayon sa ulat nitong Sabado.
Sa report ni National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) Executive Director Undersecretary Ariel Nepomuceno, ang CALABARZON (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon) ang may pinakamaraming lugar na inilagay sa state of calamity na nasa mahigit 150 ang bilang.
Ang nalalabi naman at pumapangalawa ay ang Bicol Region na nasa 84 lugar at pangatlo ang Eastern Visayas , 13 lugar. Ang Bicol Region partikular na ang Camarines Sur at Albay ang grabeng napuruhan ng bagyong Kristine sanhi ng malalalim na pagbaha gayundin ang CALABARZON kung saan nakapagtala ng landslide sa Talisay City, Batangas na ikinasawi ng 19 katao.
Samantalang ang Bicol Region ang nakapagtala ng pinakamalaking bilang ng naapektuhang mga residente na nasa 721,885 pamlya o mahigit 3 milyong Katao; pangalawa ang Central Luzon na nasa 331, 849 pamilya o kabuuang 1.09 milyong katao habang ang CALABARZON ay nasa 241,000 pamilya o 1.01 katao.
Nasa 146 katao naman ang nasawi sa bagyong Kristine , 91 ang nasugatan at 19 ang nawawala at patuloy na pinaghahanap.
Nasa P4.4 bilyon ang naitalang pinsala sa agrikultura habang sa imprastraktura ay P4.4 bilyon na rin ang kabuuang pinsala sa dalawang magkasunod na bagyo.
Naitala naman sa 178,747 kabahayan ang nagtamo ng pinsala kung saan 164, 146 dito ay bahagyang nasira habang 14, 601 ang tuluyang nawasak.
Iniulat din ng NDRRMC na nakapamahagi na ng kabuuang P713.1 milyong halaga ng sari-saring ayuda ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mga apektadong pamilya ng bagyong Kristine at supertyphoon Leon hanggang nitong Undas.
- Latest