MANILA, Philippines - Kapalit ng pagpapahayag ng lahat ng nalalaman hingil sa kaso at magpapalabas ng mga dokumento na hawak nito na may kinalaman sa maanomalyang paglustay sa P10 bilyon Priority Development Assistance Fund (PDAF) scam ay pinagkalooban ng Ombudsman ng immunity si Ruby Tuason.
Sa limang pahinang Immunity Agreement sa pagitan nina Ombudsman Conchita Carpio-Morales at Tuason, may immunity ito mula sa criminal prosecution hinggil sa PDAF scam.
Kapag anya mabigo si Tuason sa kasunduan ay agad maaalis ang naibigay ditong immunity at babalik siya bilang isa sa mga akusado sa kasong plunder.
Sa ilalim ng Republic Act 6770 o ang Ombudsman Act of 1989, ang Ombudsman ay may kapangyarihan na magbigay ng immunity sa mga taong may kasong kriminal lalupat kakailanganin ang mga hawak nitong ebidensiya sa gagawing pagdinig ng Ombudsman hinggil sa naturang kaso.
Sinasabi ni Tuason na siya ang nagpakilala kina Senators Juan Ponce Enrile at Jinggoy Estrada sa negosyanteng si Janet Lim Napoles noong 2004 at kada proyekto, ang mambabatas ay tumatanggap ng 40 percent kickback at siya naman ay tumatanggap ng 1.5 percent sa bawat referral.
Umaasa naman ang Malacañang na magsasabi ng katotohanan at ilalantad ni Tuason ang lahat ng kanyang nalalaman ukol sa P10 bilyong pork barrel scam.