Meralco pinaghahandaan din ang EASL
MANILA, Philippines — Bukod sa Season 49 PBA Commissioner’s Cup ay pinaghahandaan din ng Meralco ang East Asia Super League.
May 2-2 kartada, nakaupo sa No. 2 spot ang Bolts sa Group B sa EASL papasok sa huling dalawang laro.
Nasa likod ng Meralco ang Macau Black Bears (2-3), New Taipei Kings (1-2) at Busan KCC Egis (1-3).
Tanging ang Top 2 teams sa bawat grupo ang aabante sa EASL Final Four sa Marso.
Nakatiyak na ng tiket na ang Japanese club Ryukyu Golden Kings hawak ang 4-0 baraha.
Wala pang panalo ang isa pang PBA team na San Miguel Beermen sa Group A sa kanilang 0-3 marka.
Mas magandang standings sana ang nabaon ng Bolts papasok sa New Year subalit nasayang ang malaking bentahe kontra sa KCC Egis, 68-72, sa homecourt ng huli sa Busan bago ang Pasko at long break ng PBA at EASL.
Makakasandal ang Meralco sa homecourt advantage nito sa Philsports Arena sa Pasig City para sa krusyal na laban nito sa Ryukyu sa Enero 22.
Ititiklop ng tropa ni coach Luigi Trillo ang kampanya nila kontra sa New Taipei Kings sa Pebrero 12 sa New Taipei.
Subalit bago iyon ay itutuon muna ng Bolts ang atensyon sa guest team na Hong Kong Eastern, kasali rin sa EASL, sa pagbabalik ng PBA bukas sa Smart Araneta Coliseum.
Nasa ikaanim na puwesto ng PBA Comm’s Cup ang Meralco na may 3-2 record, habang No. 3 ang Hong Kong hawak ang 6-2 kartada. (JB Ulanday)
- Latest