Coach Mune bumisita sa pamilya Yulo
MANILA, Philippines — Personal na binisita ni Japanese coach Munehiro Kugimiya ang pamilya Yulo sa bahay nito sa Maynila para sa isang simpleng selebrasyon.
Nakita ito sa post ni Angelica Yulo — ina ni Paris Olympics double gold medalist Carlos Edriel at Asian Junior Championships gold medalist Karl Eldrew — sa social media kung saan kasama ng pamilya Yulo si Kugimiya.
“Pre New Years celebration with coach munehiro kugimiya’s family. It is our pleasure and honor to be visited by one of a greatest foreign coach of the Philippine gymnastics I’ve ever known in my entire life. Happy to see them,” ani Angelica.
Kasama ni Kugimiya ang kanyang ama sa pagbisita nito sa mga Yulo.
Si Kugimiya ang humubog kay Caloy na itinuturing na ngayong isang world-class gymnast mula sa pagiging simpleng atleta.
Subalit naghiwalay ang landas nina Caloy at Kugimiya dahil sa ilang hindi pagkakasundo.
Sa ngayon, hawak ni Kugimiya si Karl Eldrew na siya naman nitong huhubugin para sa 2028 Olympic Games sa Los Angeles.
Nagpasalamat si Kugimiya sa mainit na pagtanggap ng pamilya Yulo.
“After The Tokyo Olympics, I made promise with gymnast to go Paris Olympic. And then I promise my father let’s go to the Philippines after the Paris. I wanted to show my parents the country where to go after our dreams,” ani Kugimiya sa kanyang post.
Nais ni Kugimiya na makahubog pa ng mga kabataang atletang susunod sa yapak ni Caloy.
Ibinahagi nito ang hirap na dinanas nito na halos sumuko na ito dahil sa mga pagsubok. Subalit naging matatag ang Japanese coach dahil sa layunin nitong makatulong.
- Latest