Heading nahirang na PBAPC Player of the Week
MANILA, Philippines — Hinirang si Jordan Heading ng Converge bilang PBA Press Corps-Pilipinas Live Player of the Week bago ang Christmas break ng Season 49 PBA Commissioner’s Cup.
Naglista ang Fil-Australian shooting guard ng mga averages na 19.5 points, 4.3 rebounds, 7.8 assists at 1.5 steals para banderahan ang kampanya ng FiberXers.
Si Heading ang bumida sa four-game winning streak ng Converge para manduhan ang kanilang pag-angat sa team standings matapos mangulelat noong nakaraang Season 48.
“Our record is really what I all care about,” ani Heading na naglaro muna sa Japan at Australia bago sumalang sa PBA.
“I’m thankful to the coaching staff for trusting me, to have the responsibility of putting the ball in my hands and I’m taking that responsibility seriously,” dagdag nito.
Bumanat si Heading ng 30 points, 6 rebounds at 8 assists sa 110-94 panalo ng FiberXers sa Meralco Bolts para sa kanilang 6-2 kartada katabla ang guest team Hong Kong Eastern sa likod NorthPort Batang Pier (6-1) at Rain or Shine Elasto Painters (4-1).
Nauna nang pinatumba ng Converge ang NLEX, 102-91, Phoenix, 116-105, at Barangay Ginebra, 98-91.
Bagama’t noong 2020 pa na-draft ay ngayon lamang naglalaro ang 6-foot-2 na si Heading sa PBA matapos makuha mula sa Terrafirma bago ang Commissioner’s Cup.
Siya ang No. 1 pick sa special round noong 2020 PBA Rookie Draft.
Muling sasalang ang FiberXers sa Enero 11 kontra sa TNT Tropang Giga.
- Latest