Paghuhubog sa mga OFW bilang modista
Sa usapin ng financial literacy, isa sa mga karaniwang iminumulat sa mga overseas Filipino worker ang pagkakaroon o pag-aaral ng bagong mga kasanayan na makakatulong na madadagdagan ang kanilang kinikita sa ibang bansa o sa paghahanda sa panahong hindi na sila makakapagtrabaho at kailangan na nilang bumalik sa Pilipinas. Marami rin namang mga OFW ang maliit lang ang sinasahod sa kanilang trabaho kung tutuusin na pilit nilang pinagkakasya para makapagpadala sila ng pera sa kanilang pamilya sa Pilipinas at para sa mga pang-araw-araw nilang gastusin sa kinaroroonan nilang bansa. Kaya malaking bagay na meron silang iba pang mga skills o kasanayan na magagamit nila para sa kanilang kinabukasan. Bukod pa ito sa pagnenegosyo o pamumuhunan na maaaring pagpilian ng mga OFW habang kumakayod sila sa ibayong-dagat.
Isa ito sa mga dahilan kaya ang mga ahensiya ng gobyerno ng Pilipinas tulad ng Migrant Workers Office at ng Overseas Workers Welfare Administration na kapwa nasa ilalim ng Department of Migrant Workers ay naglulunsad ng mga programa na nagtuturo ng iba’t ibang skills sa mga OFW sa iba’t ibang bansa.
Maihahalimbawa rito ang dressmaking program ng OWWA sa bansang Bahrain na matagumpay na nakakumpleto ng limang batches sa nagdaang ilang taon mula nang simulan ito na bawat klase na idinadaos tuwing Biyernes ay dinadaluhan ng 30 estudyante o mahigit pa. Tinatalakay sa klase ang sining at paglilikha na tumutukoy sa fashion ng dressmaking. Natutunan ng mga estudyanteng OFW ang fabric selection, pattern making, at ang kahalagahan ng design aesthetics.
Sa paghuhubog sa mga kalahok na OFW na maging modista, mananahi o kosturera, katuwang ng OWWA Pinay Ikaw Na (PIN), isang malaking organiasyon ng mga Pilipino sa Bahrain.
Nagsisilbing pangunahing mentor sa dressmaking program na ito ang 56 anyos na Filipina fashion professional na si Epifania “Ping” Fuyoc na nagmula sa Dumalag, Roxas, Capiz at matagal na ring naninirahan sa Bahrain.
Ayon sa isang professional Filipino writer sa Bahrain na si Cecille Ancheta, hindi lang isang matagumpay na fashion professional si Fuyoc kundi isa rin itong tagapagtaguyod ng pagbibigay-lakas sa mga manggagawang Pilipino sa ibang bansa. Nakaangkla ang adhikaing ito ni Fuyoc na ang mga OFW na umuuwi o uuwi na sa Pilipinas ay dapat mabigyan ng pagkakataong umunlad, hindi lang para mabuhay. Idinidiin niya ang kahalagahan ng mental health, proper financial management, at building a community-all of na naging bahagi na ng programa ng OWWA at MWO.
Nag-aral si Fuyoc sa Miraflor Fashion Academy sa Iloilo City noong 1992. Dito siya nagkaroon ng mga kaalaman at pananaw hinggil sa paglikha ng magagandang kasuotan. Hindi lang ang malalalim na pasikot-sikot sa dressmaking ang natutunan niya, kundi pati na ang sining ng fashion.
Nagsimula ang karera niya sa fashion industry nang tumira siya sa Maynila pagkagradweyt niya sa eskuwelahan noong 1995. Nakapagtrabaho siya, dumaan sa mga hamon at oportunidad.
“Ang kanyang pagtitiyaga at kasipagan ay nagbukas ng ilang oportunidad sa fashion industry. Nilusong niya ang dinamikong mundo ng disenyo at produksyon na ang binigay na karanasan sa kanya ay lalong humubog sa kanyang identidad bilang propesyonal. Sa nilandas niyang ito sa buhay, nariyan ang mahahabang oras, pagtitiyaga at kapursigihang mapahusay ang kanyang gawain. Mula rito, nakarating siya sa Bahrain,” patungkol ni Ancheta kay Fuyoc.
Nabatid na si Fuyoc ay part-owner ng Lucky Star Fashion & Tailoring sa Muharaq sa Bahrain.
Dumating ang bagong yugto sa buhay ni Fuyoc nang noong 2023, inimbitahan siya ni PIN President Dinah Sta. Ana na ma-ging volunteer bilang trainer sa programa ng OWWA na itinatag para sa mga OFW.
May 21 taon nang nagtatrabaho si Fu-yoc sa Bahrain kaya batid niya ang mga pagsubok na kinakaharap ng mga OFW tulad ng pag-aangkop sa bagong kapaligiran, pakikisalamuha sa dayuhang kultura, at ang mga kalungkutang dulot ng pagkakalayo sa pamilya.
Ipinagmamalaki niya ang kanyang mga nagagawa na nakakapagpaangat sa ibang tao. Nagsilbing kanyang plataporma sa pagsisilbi ang kanyang passion sa fashion kasama ng hangarin na makapagdulot ng pagbabago sa buhay ng kanyang mga kababayan.
* * * * * * * * * *
Email- [email protected]
- Latest