^

PSN Opinyon

12 tips para puno ng positive vibes ang 2025!

KasamBuhay - Jing Castañeda - Philstar.com
12 tips para puno ng positive vibes ang 2025!
Mga cubes na bumubuo ng mga salitang "change" at "chance."
Pexels

Ang bawat taon ay puno – di lamang ng tagumpay -- kundi maging ng mga aral at hamon. Ngayong 2025, muli nating sabay yakapin ang tagumpay at kabiguan dahil dito natin mas makikita ang ating galing at tibay. Para sa akin, ang mga aral ng 2024 ang mas nagpatatag pa ng aking pagkatao. 

Higit sa lahat, natutunan ko ang halaga ng tibay ng paniniwala – sa ating sarili, sa Diyos, at sa mga taong inilalagay Niya para umalalay sa atin. Minsan, ang sagot sa ating mga panalangin ay hindi dumarating bilang malalaking himala. Minsan, ito’y nasa maliliit at tahimik na suporta ng iba, ng ating pamilya, kaibigan, o mentor.   Parang sila ang instrumento ng Diyos na nariyan upang gabayan, suportahan, at ipaalala sa atin na hindi tayo nag-iisa sa ating paglalakbay. 

Kailangan nating magtiwala na nasaan man tayo ngayon, ito ang tamang lugar para sa atin, at mayroon tayong sapat na kakayahan upang magtagumpay at harapin ang mga pagsubok. Kayo rin po sana, mga KasamBuhay, ay hindi mawalan ng ganang ipaglaban ang ating mga pangarap ngayong taon. 

Isang karangalan ang mapabilang bilang isa sa anchors ng DWPM Radyo 630 Teleradyo Serbisyo (dating ABS-CBN DZMM). Nagpapasalamat ako sa pagkakataong makatulong sa ating kapwa sa pamamagitan ng aking show sa Teleradyo, “Ang Tinig ‘Nyo,” at sa iba ko pang mga multiplatform content tulad ng “Okay Doc” at “Pamilya Talk.”

Isa sa mga mahahalagang milestone na hindi ko malilimutan sa nagdaang taon ang appointment ng Commission on Higher Education (CHED) para ako’y maging bahagi ng kanilang Technical Panel for Broadcasting, Communication, and Journalism (TPBCJ).  Nagpapasalamat ako sa pagkakataong makapag-ambag sa paghubog ng susunod na henerasyon ng mga media professional.  

Pero kapag pinag-uusapan natin ang self-improvement, hindi lamang ang ating career at trabaho ang ating dapat tingnan, kung hindi pati na rin ang pagpapatibay ng ating mga relasyon sa ating pamilya at mga mahal sa buhay. 

Narito ang 12 tips na nagsilbing gabay sa akin, at sana’y magbigay-inspirasyon din sa inyo ang mga ito para harapin ang mga darating na buwan nang ganado, positibo at puno ng inspirasyon!  

Blessing para sa akin ang pagkakataong maibahagi ang iba’t ibang kwento ng ating mga kababayan. Bawat isa’y may hatid na sigla, aral at inspirasyon na masarap ibahagi sa iba.

Para mas tumibay ang buhay-ispirituwal 

1.  Laging magpasalamat sa bawat araw:  Maglaan ng sandali bawat araw upang bilangin ang iyong mga biyaya.  Ito ay nagbibigay-saya at tumutulong para magkaroon ng positive vibes.

2. Maglaan ng tahimik na oras para sa sarili:  Sa pamamagitan ng panalangin, meditasyon, o simpleng pagninilay, makatutulong ito sa pagkakaroon ng pansariling kapayapaan.  

3. Tumulong at ibahagi sa iba ang iyong mga biyayang natanggap:   Maging volunteer o mentor, at tumulong sa mga nangangailangan.  

Para mas sumidhi ang passion at dedikasyon sa trabaho

4. Magtakda ng mga target -– mga layuning pangmatagalan o long-term, at yung short-term o mas madaling abutin  --- para hindi mawala ang iyong gana o motibasyon. 

5. Mag-aral ng mga bagong bagay at huwag matakot na lumabas sa iyong comfort zone. Tuklasin ang mga larangan o skills na hindi pa pamilyar pero interesado kang alamin. 

6.  Piliing makisalamuha sa mga taong positibo ang pananaw at nagbibigay-inspirasyon sa iyo:  Huwag magpa-apekto sa mga taong mahilig kumontra at negatibong mag-isip.

Para sa 2025, sa pamamagitan ng teknolohiya, excited kami ng aking team na i-level-up ang mas magaganda at kakaibang content -– kasama na ang news and public service.

Para sa mas magandang relasyon sa pamilya’t mga kaibigan

7.  Bigyan ng prayoridad ang quality time kasama ang pamilya. 

8.  Magkaroon ng maganda at tapat na komunikasyon sa iyong mga mahal sa buhay. 

9. Sama-samang sumubok ng mga bagong bagay na pwedeng maging bonding ng pamilya.

Para magkaroon ng growth mindset

10. Yakapin ang mga pagkakamali at hanapin ang aral sa mga ito:  Bawat pagkakadapa ay pagkakataon para matuto at tumibay.

11. Labanan ang negatibong pag-iisip:   Laging magkaroon ng tiwala sa sarili.  Palitan ang pagdududa ng positive affirmations, at maging proud sa mga bagay na nagpapatatag sa iyo. 

12.  Progress, hindi perfection, ang mahalaga:  Mag-focus sa kung ano ang nais mong marating, at pahalagahan ang paglalakbay patungo sa pangarap mong destinasyon.

Mahalaga ang pagpasyal o pagbiyahe ng buong pamilya. Hindi kailangang magarbo o magastos. Higit pa sa destinasyon, mas importante ang nabubuong mga alaala sa mga pag-bonding.

Ngayong taon, maglaan tayo ng panahon para planuhin ang daang iyong tatahakin para sa isang balansiyadong buhay – mula sa pamilya, career, spiritual life, at maging sa self-love. Harapin natin ang 2025 nang may pag-asa, pasasalamat, at pangarap.  

----

Sundan ang aking social media accounts JingCastaneda: Instagram, Facebook, YouTube, Tiktok at Twitter.  Magpadala ng iyong mga kuwento, tanong at rekomendasyon sa [email protected]. 

NEW YEAR

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with