EDITORYAL - Hanapin si ‘Mary Grace Piattos’
Kontrobersiya ang pangalang “Mary Grace Piattos” na nakasulat sa acknowledgement receipt bilang isa sa mga tumanggap ng confidential funds ni Vice President Sara Duterte noong 2022. Wala ni isa man sa mga tauhan at opisyal ng Office of the Vice President ang nakakakilala kay “Mary Grace Piattos”. Sabi ng mga mambabatas na miyembro ng House Committee on Good Government and Public Accountability na nagkaroon na yata ng amnesia ang mga tauhan ng OVP sapagkat hindi nila alam o kilala si Mary Grace Piattos.
Nagkaroon ng pagdududa ang mga mambabatas sa kakaibang pangalan na nakasulat sa acknowledgement receipt sapagkat kapangalan ng isang restaurant at potato chips. Napansin din na iisa ang style ng pagkakapirma sa mga resibo. Mahigit 1,200 acknowledgment receipts na kahina-hinala ang pirma ang isinumite ng OVP sa COA kaugnay sa P125-milyong confidential funds. Ayon pa sa mga mambabatas, karamihan sa mga resibo ay hindi mabasa ang pangalan. Maraming beses ding lumitaw ang pangalan ni Mary Grace Piattos sa acknowledgment receipts. Ayon sa mga mambabatas, maaaring isang tao lamang ang pumirma sa resibo.
Nang tanungin si Vice President Sara Duterte kaugnay sa pangalang Mary Grace Piattos, hindi siya nagkomento. Hindi pa raw niya nakikita ang mga acknowledgment receipts kung saan nakapirma si Piattos. Ayon pa kay Sara, ang mga kinukuwestiyong dokumento ay hindi dumaan sa kanyang tanggapan. Direkta raw itong isinusumite sa Special Disbursement Officer ng OVP na si Gina Acosta. Wala raw siyang alam kung paano ang ginawang proseso sa mga dokumento at isinumite sa Kamara.
Patuloy namang hindi dumadalo ang apat na OVP executives sa kabila na maraming beses na pag-imbita ng Kamara kaya ipinag-utos nang i-cite for contempt at ipinaaaresto. Dumalo naman sa pagdinig si Atty. Zuleika Lopez, chief of staff ni Duterte subalit ipina-cite in contempt siya ni Rep. France Castro at ikinulong sa Batasang Pambansa Complex. Makukulong siya hanggang Nobyembre 25.
Hanapin si Mary Grace Piattos para malaman ang buong katotohanan. Pakilusin ng Kamara ang Philippine Statictics Authority para matiyak kung totoong may Mary Grace Piattos o kathang isip lamang. Kapag napatunayang walang ganitong tao, tiyak na ang iba pang nakapirma sa acknowledgment receipts ay pawang katha-katha rin.
Ipagpatuloy ng House Committee on Good Government and Public Accountability ang paghalukay dito. Hanapin ang katotohanan kay Mary Grace Piattos.
- Latest