Umaray si Bato
Tingin ko naman, may katuwirang mag-react si Sen. Bato dela Rosa sa sinabi ng isang opisyal ng PAGCOR na isa raw dating PNP chief ang sinuhulan ng malaking halaga ni dating Bamban Mayor Alice Guo upang makatakas mula sa Pilipinas.
Sa pagpapatuloy ng hearing ng Senado tungkol sa pagkakasangkot ng sinipang alkalde, ibinunyag ni PAGCOR Vice President for security monitoring sector - Raul Villanueva na may nakalap silang impormasyon na isang dating PNP chief ang kasabwat sa pagtakas ni Guo at ibang kasamahan na binayaran ng milyones.
Bukod pa iyan sa umano’y mataas na opisyal ng Bureau of Immigration na tumanggap ng P 200 milyon mula kay Guo kaya nakaalis ng ating bansa.
Uminit ang ulo ni Sen. Bato at sinabing baka siya ang akalain ng tao na tumulong kina Guo dahil siya’y retiradong PNP chief. Normal reaction iyan totoo man o hindi.
Kung hindi siya, ano dapat niyang ipangamba? Hindi raw alam ng PAGCOR official kung magkanong suhol ang itinapal sa dating hepe ng PNP.
Pero korek si Bato. Malamang na siya ang hinalain ng mga makakarinig sa testimonya ng public official na nag-facilitate sa pagpuga ng tropa ni Guo na pawang nasasangkot sa illegal na POGO.
Ang hirap kasi sa usapin ito, bagamat lehitimo at nakataya ang interes ng mamamayan, may posibilidad na mabahiran ito ng politika lalo pa at malapit na naman ang midterm election.
Kapag may eleksyon, laganap ang demolisyon!
- Latest