EDITORYAL - Pag-asa sa kabila ng pandemya’t kalamidad

Sa survey ng Social Weather Stations (SWS), 91 percent ng mga Pilipino ay sinasalubong ang 2021 na punumpuno nang pag-asa. Umaasa sila na mas magiging maganda ang taon na ito. Buo ang kanilang paniwala na ang masamang dinulot ng pandemya at kalamidad ay mapapalitan nang mapayapa, masagana at masayang buhay. Naniniwala sila na tapos na ang bangungot nang nagdaang taon at ang haharapin ay maaliwalas na umaga. Wala na ang mga salot na nagdulot nang pasakit at hirap.
Maski ang mga biktima ng mga Bagyong Quinta, Rolly, Ulysses at Vicky ay malaki ang paniwalang maitatayo nila ang nawasak na bahay at makakabangon kahit na winasak ang kanilang pananim at iba pang pinagkakakitaan. Malaki ang kanilang pag-asang na ang 2021 ay magbubuhos nang maraming oportunidad sa kanila.
Kahit maraming binaha na halos umabot sa ikalawang palapag ng kanilang bahay at kailangang umakyat sa bubong para makaligtas sa daluyong, nananatili pa rin ang ngiti sa mga labi at nagpapahiwatig na lilipas din ang lahat. Mawawala rin ang baha at ang iba pang inanod na layak at basura.
Kahit pa ilang beses pumutok ang bulkan at matakpan ang mga bahay, pananim at mamatay ang mga alagang hayop, lilipas din ang pagngangalit at babalik ang matahimik na buhay.
Kahit may mahal sa buhay na pumanaw dahil sa virus, unti-unti nang natatanggap at malaki ang pag-asang bumahaw ang sugat. Dalangin ng mga naulila sa pamahalaan na madaliin ang bakuna para marami ang makaligtas. Unahin ang mga mahihina at matatanda.
Kahit ang mga naulila ng mag-inang binaril at napatay ng pulis sa Tarlac ay sumisilip na ang pag-asa ngayong 2021. Naniniwala sila na didinggin ang kanilang dasal na maagang makamit ang hustisya. Hiling nilang maligtas ang mamamayan sa mga pulis na may “utak pulbura”.
Lahat nang mga masasakit, masasama at traumatic na naranasan ay alam nilang mapapawi dahil ang Bagong Taon ay laging may hatid nang pag-asa.
Masagana at Mapayapang Bagong Taon sa lahat!
- Latest