Balik-opisina ng mga empleyado, i-hold muna – OCTA
Sa tumataas na COVID-19
MANILA, Philippines — Dahil muling bumibilis ang pagtaas ng kaso ng COVID-19 partikular sa Metro Manila, kinontra ng OCTA Research ang pagbabalik ng mga empleyado sa mga opisina mula sa work-from-home schedule.
Ayon kay OCTA Research fellow Dr. Guido David sa Laging Handa public briefing, dapat i-hold muna ang nasabing balak na pabalikin “onsite” ang mga nagta-trabaho sa mga tahanan.
“Iyong sa flexi-work schedule, I agree na siguro baka puwedeng i-hold-up muna iyong pagbabalik ng mga tao sa work-from-home schedule. Nabalitaan ko kasi [na] sa June 15 [ay] marami ng mga work-from-home sa offices ay babalik na sa onsite iyong work,” ani David.
Dapat aniyang mabawasan pa rin ang bilang ng mga tao na pumapasok sa mga opisina na bukod sa makakaiwas sa COVID-19 ay makakatipid pa sa pamasahe.
“Pero baka puwedeng i-reconsider ito ng ibang mga offices para at least mabawasan din iyong capacity sa offices, siguro, mag-work-from-home sila. At makakatulong din ito sa mga kababayan natin dahil mataas iyong pamasahe, mataas iyong fuel prices at iyong work-from-home will help them save money,” ani David.
Nauna rito, sinabi ni David na sa nakalipas na linggo ay 53% na ang itinaas ng COVID-19 sa National Capital Region.
“Ngayon, the past week, 53% na iyong itinaas. From 10% to 53%, so, iyong seven-day average ng bilang ng kaso [ay] tumaas from 86 to 131 cases per day tapos iyong reproduction number sa NCR ay nasa 1.59[%] na. Iyong positivity rate [ay] tumataas din, nasa 2.7% iyong positivity rate sa testing at iyong healthcare utilization at bahagyang tumataas din,” ani David.
- Latest