Teenage pregnancy lolobo sa gitna ng pandemic
MANILA, Philippines — Nagbabala si Sen. Win Gatchalian na posibleng tuma-as ang mga kaso ng teenage pregnancy o maagang pagbubuntis ng mga kabataan sa gitna ng COVID-19 pandemic.
Ayon kay Gatchalian, kung pagbabatayan ang mga nagdaang kalamidad at sakuna sa bansa at ibang bansa, isa sa nakikitang epekto nito ay ang pagtaas ng kaso ng teenage pregnancy.
Inihalimbawa ng senador ang Eastern Visayas matapos ang bagyong Yolanda noong 2013, lumalabas sa pag-aaral ng Department of Science and Technology-National Research Council of the Philippines o DOST-NRCP na halos 23.5% ng mga kababaihang teenager ang nabuntis noong panahong iyon.
Samantalang 14.8% naman ng mga batang inang nanganak ang muling nabuntis nang sumunod na taon.
Sa bansang Sierra Leone noong panahon ng Ebola outbreak, umakyat ng 65% ang mga kaso ng teenage pregnancy sa apektadong mga komunidad.
Sinabi ni Gatchalian, na dapat lalong paigtingin ng mga lokal na pamahalaan ang pagpapatupad ng kanilang mga programang pang-kalusugan at tutukan ang pagsugpo sa maagang pagbubuntis.
- Latest