Bulls binigyan ng panalo at parangal si Rose
CHICAGO - Nagsalpak si Coby White ng career-high na siyam na three-pointers para sa kanyang 33 points sa 139-126 pagsuwag ng Bulls sa New York Knicks sa gabing pinarangalan si dating MVP Derrick Rose.
Umiskor din si Zach LaVine ng 33 markers para sa Chicago (16-19).
Nag-ambag si Nikola Vucevic ng 22 points at 12 rebounds habang kumolekta si Josh Giddey ng 15 points 10 rebounds at 8 assists.
Pinarangalan ng koponan ang dati nilang kamador na si Rose sa halftime matapos ihayag ng prangkisa na ireretiro ang kanyang No. 1 jersey sa susunod na season matapos sina Michael Jordan (23), Scottie Pippen (33), Jerry Sloan (4) at Bob Love (10).
Binanderahan ni Karl-Anthony Towns ang New York (24-12) sa kanyang 44 points at 16 rebounds.
Kumamada ang Chicago ng 41 points sa kabuuan ng third period at nilimitahan ang New York sa 17 markers para itala ang 104-89 abante mula sa isang nine-point halftime deficit.
Sa Inglewood, California, umiskor si Norman Powell ng 20 points habang may 12 markers si Kawhi Leonard sa una niyang laro sa season sa 131-105 pagpulutan ng Los Angeles Clippers (20-15) sa Atlanta Hawks (18-18).
Sa San Antonio, nagposte si Nikola Jokic ng 46 points at 10 rebounds at pinalungkot ng Denver Nuggets (20-14) ang pagdiriwang ni Victor Wembanyama ng kanyang ika-21 kaarawan sa 122-111 panalo sa Spurs (18-17).
Sa San Francisco, bumira si Andrew Wiggins ng 24 points at may 17 markers si Dennis Schroder sa 121-113 panalo ng Golden State Warriors (18-16) sa Memphis Grizzlies (23-13).
Sa Indianapolis, kumamada si Tyrese Haliburton ng 27 points at may 20 markers si Myles Turner sa 126-108 pagdaig ng Indiana Pacers (18-18) sa Phoenix Suns (15-18).
- Latest