MANILA, Philippines — Nag-uumapaw ang galit ng mga tagasuporta ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa buong mundo matapos mabunyag ang umano’y sabwatan ng matataas na opisyal ng gobyerno sa pag-aresto ng International Criminal Court (ICC) sa dating pangulong Duterte.
Makikita sa social media ang dagsa ng mga akusasyon laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., National Security Adviser Eduardo Año at Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla na tinawag na mga “taksil” dahil sa kanilang diumano’y papel sa pagpapadala kay Duterte sa The Hague.
Una nang kinondena ni Atty. Raul Lambino sina Pangulong Marcos at iba pang matataas na opisyal ng gabinete dahil sa umano’y pagtataguyod ng isang “grand conspiracy” upang ipatapon si Duterte sa The Hague.
Aniya, ang pag-amin ni Remulla ay nagsisilbing ebidensya ng kanilang partisipasyon sa isang gawaing maituturing na kidnapping sa ilalim ng batas ng Pilipinas.
Idiniin din ni Lambino na ang operasyong isinagawa ng gobyerno, ay isang mabigat na krimen na may matinding parusa, kabilang ang habambuhay na pagkakakulong.
Bukod sa social media, bumuhos din ang suporta kay Duterte sa lansangan na kung saan ay libu-libong tagasuporta ng dating pangulo ang nagsagawa ng solidarity rally sa Agdao, Davao City upang ipahayag ang kanilang pagtutol sa ginawang pag-aresto at deportasyon kay Duterte.