‘Marilaque’, binantayan na ng HPG
MANILA, Philippines — Matapos ang pagkamatay ng isang motovlogger at iba pang nagaganap na motorcycle rider sa kahabaan ng Marilaque Highway,Brgy. Cuyambay, Tanay, Rizal ay magiging bantay sarado na sa mga tauhan ng Highway Patrol Group ng Philippine National ang lugar.
Ayon kay HPG Spokesperson Lt. Dhame Malang, itatalaga sa araw ang mga karagdagang pulis gayundin tuwing mga araw ng Sabado at Linggo, kung kailan dagsaan ang motorcycle riders sa lugar.
Aniya, 17 tauhan ng HPG sa Rizal ang idadagdag sa mga pulis na itinalaga mula sa kanilang mga unit sa Laguna, Cavite, at Quezon.
Ang mga ito ay itatalaga sa Palo Alto sa bayan ng Tanay partikular na sa tinatawag na “Devil’s Curve,” gayundin sa Palo Alto-Mount Masungi area.
Kamakailan ay nasawi ang motovlogger na si John Louie Arguelles dahil sa pagsasagawa ng “Superman stunt” kasama ang isang pang rider.
Napag-alaman na apat na indibidwal pa ang nasaktan dahil sa insidente.
Sa kabuuan ng nakaraang taon, nakapagtala ang HPG ng 158 na aksidente sa Marilaque Highway at marami sa mga ito ay nangyari sa Palo Alto.
Taong 2017 nang manawagan sa mga otoridad ang Motorcycle Rights Organization hinggil sa karerahang nangyayari sa Marilaque. Nabatid na nakapagtala ng 158 insidente ang PNP HPG noong 2024.
- Latest