MANILA, Philippines — Nauwi sa pagpatay ang pagtatalo ng mag-lover nang saksakin ng babae sa tiyan ang kinakasamang lalaki dahil umano sa selos, naganap kamakalawa ng gabi sa Quezon City.
Idineklarang dead on arrival sa Quezon City General Hospital ang biktimang si Jino Basilio, 36, family driver habang nasa kustodiya na ng pulisya ang live-in partner nito na si Karen Martinez, 36, kapwa residente ng Barangay Bahay Toro, Quezon City.
Sa imbestigasyon ng Quezon City Police District Criminal Investigation and Detection Unit (QCPD-CIDU), nangyari ang krimen, alas-6:45 ng gabi nitong Martes sa bahay ng mag-lover.
Ayon kay saksing si “Ana” kapitbahay ng mag-lover na narinig niya ang dalawa na mainitang nagtatalo na umano ang lalaki ay mayroong ibang babae na ikinaselos umano ng suspek.
Pinuntahan niya sa bahay ang maglive-in upang awatin hanggang sa madatnan niya sa hagdan si Basilio na hawak ang tiyan na duguan dahil sa saksak.
Humingi naman ng tulong ang suspek na si Martinez kaya agad na isinugod sa ospital ang biktima.
Nabawi naman sa suspek ang kutsilyong ginawa sa krimen at kinasuhan ng homicide.