MANILA, Philippines — Napatay ang dalawang pinaghihinalaang miyembro ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA) nang makasagupa ang tropa ng mga sundalo sa bulubunduking bahagi ng Sitio Dinakpan, Brgy. Los Angeles, Butuan City, Agusan del Norte nitong Martes.
Sa report ni Lt. Col. Mark Tabon, Acting Commanding Officer ng Army’s 29th Infantry Battalion (IB), bago nangyari ang sagupaan ay nakatanggap ng report ang tropa ng militar hinggil sa armadong presensya ng mga rebelde sa nasabing lugar.
Nabatid na ang mga rebelde ay nangongotong sa mga residente ng mga pagkain, pera at maging ng alagang hayop ng mga ito .
Agad namang nagdeploy ng mga sundalo sa lugar ang Army’s 29th IB at nakasagupa ang tinatayang mahigit sa siyam rebeldeng NPA na ang palitan ng putok ay tumagal ng 2 oras.
Agad namang nagsitakas ang mga rebelde matapos na malagasan ng dalawa sa kanilang mga kasamahan.
Narekober ng nagrespondeng mga sundalo ang dalawang matataas na kalibre ng armas at mga subersibong dokumento.