2 todas, 3 sugatan sa pamamaril sa checkpoint

MANILA, Philippines — Dalawang katao ang nasawi habang tatlo ang nasugatan nang pagbabarilin ng mga suspek na sakay ng motorsiklo nitong Lunes sa mismong checkpoint ng isang barangay sa Labu-Labu, Shariff Aguak, Maguin­danao del Sur.

Kinilala ang mga nasawi na sina Hassen Kumamo, 17, miyembro ng Barangay Peacekeeping Action Team (BPAT), at Esmael Singh, 20, kapwa residente ng Barangay Labu Labu Mother.

Sa ulat na nakarating kay P/Colonel Bobby Paloma, Maguindanao police provincial director na dumaan ang dalawang gunman sa BPAT checkpoint sa national highway saka nagpaulan ng putok gamit ang automatic rifle.

Samantala, tinamaan din sa pamamaril at nasugatan sina Ali Amerudin, 17; Anwar Banalan, 20; at Mohamad Husain, 30.

Ito na ang ikalawang pag-atake laban sa mga miyembro ng BPAT sa Shariff Aguak sa nakalipas lamang na isang linggo.

Noong Enero 22, napatay din ang BPAT member sa gun attack sa pamilihang bayan.May natukoy nang ilang persons of interest ang pulisya at nagpapatuloy din ang imbestigasyon sa insidente.

Show comments