Mister nalason sa isdang butete, patay
MANILA, Philippines — Isang 32-anyos na mister ang nasawi matapos malason sa inulam at pinulutang isdang butete o puffer fish sa Brgy. Sto. Cristo, Virac, Catanduanes noong Linggo ng gabi.
Sinubukan pang isugod sa pagamutan pero nasawi rin habang nilalapatan ng lunas ang biktima na kinilalang si alyas Danilo, may-asawa, residente ng naturang barangay.
Sa ulat, isang kaibigan ang nagdala ng butete kay Danilo at dahil dati na umanong nagluluto at kumakain ang pamilya nito ay inadobo nito ang isda at isinama ang ilang lamang loob.
Matapos maluto ay kumain ang pamilya habang nag-inuman naman ang biktima, anak, tatay, at isa pa. Gayunman, ilang oras lang ay nagising ang mga biktima na masakit ang tiyan, naninikip ang dibdib, at namamanhid ang katawan kaya agad silang isinugod sa pinakamalapit na pagamutan ng mga kaanak at residente na kung saan nasawi si Danilo.
Agad nagpadala ng mga tauhan ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources sa lugar at kumuha na ng sample ng nilutong isda upang masuri kung ito nga ang nakalason sa mga biktima.
Patuloy namang nagbabala ang mga opisyal ng kalusugan hinggil sa pagluto at pagkain ng butete dahil sa mataas na uri ng lasong taglay nito na tinatawag na tetrodotoxin.
- Latest