Ina, 2 anak tinodas ng adik na asawa
MANILA, Philippines — Malagim ang sinapit na kamatayan ng isang 32-anyos na misis at dalawa nitong anak sa kamay ng asawa na sabog sa droga makaraang palakulin sila kahapon ng umaga sa Brgy. Lutac, Naga City, Cebu.
Kinilala ang mag-iinang nasawi na sina Junelyn Jimenez at anak nitong sina John Carlo, 11 at LJ, 2; pawang nagtamo ng malalalim na sugat sa katawan.
Pinaghahanap naman ang suspect na si Carlo Camporendondo, 32-anyos na mabilis na tumakas matapos ang krimen.
Sa report ng Naga City Police, naitala ang krimen, alas-10:00 ng umaga kung saan narinig pa ng mga kapitbahay ang sigaw ng mag-iina.
Nang magresponde ang pulisya ay nadatnan ang mga nakabulagtang duguang mga biktima na tadtad ng taga ng machete sa kanilang mga katawan.
Sa pahayag sa mga otoridad ng mga kamag-anak ng ginang, palaging nag-aaway ang mag-asawa dahilan sa sobrang seloso umano ang suspect at ilang beses ng pinagbabantaan ang buhay ng kaniyang misis.
Ang suspect ay napapabalita ring isang adik sa kanilang lugar na minsan ng sumailalim sa rehabilitation program pero nang makalabas ay muling nagbalik sa masamang bisyo.
- Latest