Resolusyon ni Sen. Bato na pagbibigay karangalan sa 3 uniformed personnel, kinatigan
MANILA, Philippines — Dahil sa pinamalas na katapangan at kabayanihan nina Police Senior Master Sergeant Ryan Mariano; Bureau of Corrections officer Melvin Magnaye, at kahusayan sa pamumuno ni Zamboanga City Police Director Kimberly Molitas ay inihain ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang resolusyon na kumikilala at nagbibigay-karangalan sa mga nabanggit na uniformed personnel.
Sa plenary session nitong Lunes, iprinisinta ni Dela Rosa ang kanyang Senate Resolution 1270, na agad ding sinusugan ng Mataas na Kapulungan.
Ayon sa senador, na dating chief ng Philippine National Police (PNP), sa pamamagitan ng resolusyon ay pinapupurihan nito sina Mariano at Magnaye sa pagkakasakote sa riding-in-tandem, na tinaguriang most wanted ng pulisya dahil sa pagkakasangkot sa drug trafficking at ilang kaso ng pamamaril.
Disyembre 31 ng nakaraang taon nang barilin ng dalawang most wanted criminals ng Zamboanga Peninsula si Mariano habang naka-duty sa Mount Carmel Parish. Suwerteng napadaan sa lugar si Magnaye at sinaklolohan si Mariano kung saan ang huli ay mayroon nang tama ng bala sa dibdib at hita.
Kinilala rin ni Dela Rosa ang uri ng pamumuno ni Zamboanga City Police Director Molitas na dahil sa mahusay na pagtatalaga ng mga tauhan nito sa ginanap na New Year’s eve mass ay natiyak ang kaligtasan at seguridad ng mga nagsisimba at ng komunidad.
- Latest