150 Pinoy, naapektuhan ng wildfires sa Los Angeles - DFA

Firefighters monitor as the Palisades fire grows near the Mandeville Canyon neighborhood and Encino, California, on January 11, 2025. The Palisades Fire, the largest of the Los Angeles fires, spread toward previously untouched neighborhoods January 11, forcing new evacuations and dimming hopes that the disaster was coming under control.
AFP / Patrick T. Fallon

MANILA, Philippines — Inihayag kahapon ng Department of Foreign Affairs (DFA) na tinatayang nasa 150 Pinoy ang naapektuhan ng wildfires sa Los Angeles at kasalukuyang nananatili sa Evacuation Center.

“We have about 150 displaced Filipinos. They had to undergo the mandatory evacuation. They are now being housed in evacuation centers,” ayon kay DFA Assistant Secretary Adelio Angelito Cruz sa panayam ng Headstart ng ANC.

Ang wildfires ay kumalat sa libu-libong mga ektarya ng lupain dahil sa malakas na hangin kung saan naapektuhan ang tatlong magkakahiwalay na lugar na kinabibilangan ng Palisades, Eaton, at Hurst. Ayon sa ulat aabot sa 37,316 ektarya ang apektado kung pagsasama-samahin ang tatlong lugar.

Nasa 12,000 mga istraktura na ang nawasak, kabilang ang mga bahay, outbuildings, recreational at mga sheds.

Nasa 24 ang iniulat sa namatay kung saan walo ang nasawi sa Palisades at 16 sa Eaton. Mahigit sa 100,000 residente ang inutusan na ring lumikas.

Tiniyak ni Cruz na tinutulungan ng gobyerno ng Pilipinas ang mga apektadong Filipino na makakuha ng pangmatagalang tirahan.

Ayon sa data ng Census Bureau ng Estados Unidos mula 2017-2021 American Community Survey nasa 290,000 mga imigrante na Filipino ang nakatira sa  Los Angeles, Long Beach at Anaheim sa California.

Binanggit din ni Cruz na ang bawat naapektuhang Filipino ay makakatanggap ng pinansiyal na tulong na $ 200 (P11,731) na maaaring magamit para sa pagkain, gamot at medical supplies.

Gayunpaman, nili­naw niya na higit pa sa $200 cash aid ang maaa­ring ibigay ng gobyerno.

Show comments