SEA Games gold medalist, patay sa saksak habang natutulog
MANILA, Philippines — Hindi na umabot ng buhay sa ospital ang isang SEA Games gold medalist nang pagsasaksakin habang natutulog kahapon ng madaling araw sa Calapan City, Oriental Mindoro.
Ang nasawi dahil sa mga saksak sa dibdib ay kinilalang si Mervin Maligo Guarte, 33, miyembro ng Philippine Air Force na nakatalaga sa Fernando Airbase sa Lipa City.
Batay sa report sinabi ni Calapan City police chief PLtCol. Roden Fulache, nangyari ang krimen bandang alas-4:30 ng madaling araw sa bahay ng kaibigan ng biktima na si Barangay Kagawad Dante Abel sa Sitio Pinagkaisahan sa Barangay Camilmil, Calapan City.
Natutulog umano si Guarte sa sala ng bahay ni Abel nang saksakin sa dibdib ng hindi pa kikilalang salarin.
Si Guarte ay gold medalist noong 2023 SEA Games para sa men’s team relay, 2019 SEA Games gold medalist para sa men’s 5km, 2011 SEA Games silver medalist para sa men’s 800m and 1500 m at 2024 Spartan Asia Pacific Champion sa men’s beast 21 km.
Lumilitaw sa pagsisiyasat na dumayo lamang ang biktima sa lugar at nakipag-inuman mula Lunes ng gabi hanggang alas-tres ng madaling-araw kahapon.
Ayon kay Fulache, inaalam na nila kung sinu-sino ang mga nakainuman ng biktima para matukoy ang mga suspek at motibo sa krimen.
Narekober ng mga imbestigador sa lugar ng krimen ang kutsilyo na ginamit sa pagpatay kay Guarte.
- Latest