Inflation rate noong Disyembre 2024, bumilis sa 2.9% – PSA

Nagdala naman ito sa annual average inflation rate ng PH para sa 2024 sa 3.2%, mas mababa kumpara sa 2023 annual average inflation rate na 6.0%.

MANILA, Philippines — Bumilis sa 2.9% ang inflation rate sa Pilipinas noong Disyembre 2024 na mas mataas kumpara sa naitalang 2.5% na inflation noong Nobyembre 2024. Mababa naman ito kung ikukumpara sa 3.9% na naitala noong Disyembre 2023.

Sa isang press confe­rence kahapon ay iniulat ni Philippine Statistics Autho­rity (PSA) chief USec. Dennis Mapa na ang pangunahing dahilan ng pagbilis ng inflation noong Disyembre ay ang mas mabilis na pagtaas ng mga presyo o halaga sa pabahay, tubig, kuryente, gas at iba pang langis.

Nagdala naman ito sa annual average inflation rate ng PH para sa 2024 sa 3.2%, mas mababa kumpara sa 2023 annual average inflation rate na 6.0%.

Ang inflation noong Disyembre ay pasok sa pagtaya ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na 2.3% hanggang 3.1% at nangangahulugan na naabot ang target ng gob­yerno na mapanatili ang average inflation para sa 2024 na 2% hanggang 4%.

Nakaambag din ang mabilis na inflation sa gasolina, diesel at pamasahe sa barko.

Naitala naman sa 3.4% ang food inflation kung saan pangunahing nakaambag ang mabilis na galaw sa presyo ng kamatis, at manok.Nananatili namang mababa ang inflation sa bigas na nasa 1.3%.

Show comments