Magdyowa na suspek sa pagtsap-chop sa babaeng PWD, niratrat
Babae utas
MANILA, Philippines — Dead on the spot ang babae na isa sa mga suspek sa pag-chop-chop sa babaeng PWD, habang ang kanyang dyowa ay sugatan nang pagbabarilin ng apat na armadong lalaki ang kanilang bahay kamakalawa ng gabi sa Barangay Barualte, San Juan, Batangas.
Nagtamo ng tama ng bala sa ulo at iba’t ibang bahagi ng katawan si Teodora Galora Galino, 53-anyos, habang sugatan naman at dinala sa ospital ang kinakasama nito na si Arcangel Armamento Patal, 53-anyos.
Sa ulat ng San Juan police, alas-10:51, ay nasa loob ng kanilang bahay ang magdyowa sa Sitio CYO nang ratratin ng apat na salarin gamit ang hindi pa matukoy na kalibre ng baril.
Mabilis na tumakas ang mga suspek matapos ang pamamaril at ayon sa report ng San Juan police, dalawa sa mga ito ay may katungkulan sa barangay.
Ang mag-live in partner ang sinasabing pangunahing suspek sa pag-chop-chop sa PWD na si Mary Jane De Los Reyes na natagpuan ang mga sunog na bahagi ng katawan noong December 16, 2024 kasama ng inuuling na kahoy ng magka-live in.
Inaresto ng mga otoridad ang mag-live in partner, subalit pinalaya rin matapos na walang naisampang kaso sa kanila.
Hinahanap na ng pulisya ang apat na suspek para mabigyang linaw ang pangyayari.
- Latest