MANILA, Philippines — Apat katao ang nasawi habang marami pa ang nasugatan makaraang aksidenteng magbanggaan ang dalawang pampasaherong van sa national highway ng Brgy. Binugao, Toril District, Davao City nitong Sabado ng umaga.
Kinilala ang mga nasawi na sina Remie Centina, misis nitong si Edna Centina; Sherlyn Altimo at Mary Joy Lastimoso; pawang taga Awang, Maguindanao. Dalawa sa limang sugatan ay patuloy namang inoobserbahan sa Southern Mindanao Medical Center habang ang iba ay nasa maayos nang kondisyon.
Sa inisyal na ulat ng Davao City Police, bandang alas-8 ng umaga, ang van na minamaheno ni Omar Lastimoso, mister ng nasawing si Mary Joy Lastimoso ay pauwi na sana sa Awang, Maguindanao galing sa outing ng pamilya nito sa Island Garden City of Samar nang mangyari ang trahedya sa nabanggit na highway.
Ang nakabanggaan nitong van na minamaneho naman ni Kadaffy Landasan Salik, nasa 40 anyos na patungong Davao City ay himalang nakaligtas sa insidente gayundin ang mga sakay nito.
Ayon sa pulisya, ang mga nasawi at nasugatan ay pawang sakay ng van na minamaneho ni Lastimoso.
Ang dalawang van na patungong Digos City ay kasalukuyang bumabagtas sa nabanggit highway ng Brgy. Binugao, Toril District sa nasabing lungsod nang magbanggaan nang tangkain ng isa sa mga behikulo na sakupin ang kabilang linya.