MANILA, Philippines — Mahigit sa P4.4 milyong halaga ng marijuana ang nasamsam sa dalawang high value drug suspect na naaresto sa isang buy-bust operation kahapon ng madaling araw sa Caloocan City.
Kinilala ang naarestong mga suspek na sina alyas Lester, 21 ng Deparo, Caloocan; at alyas Luigi, 27, isang virtual assistant ng Mentors Village Subdivision, Brgy. 175 Caloocan City, matapos na bentahan ng marijuana ang undercover operative.
Nasamsam sa mga suspek ang 34 marijuana bricks na tumitimbang ng 34,000 grams at nagkakahalaga ng P4,080,000; transparent plastic bag na may lamang 50 gramo ng high-grade marijuana (“kush”) na may halagang P70,000; tatlong plastic bags ng dried marijuana leaves, stalks, at tops na may bigat na 2,300 grams na may halagang P276,000; isang 230 grams na marijuana brick weighing may halagang P27,600.
Batay sa ulat, dakong ala-1:35 ng madaling araw kahapon nang isagawa ng mga tauhan ng Station Drug Enforcement Unit ng Caloocan City Police Station, Mentors Village Subdivision, Barangay 175, Caloocan City ang buy-bust operations.
Kasalukuyang nakakulong sa Caloocan City Police Station Custodial Facility ang mga suspek na nahaharap sa kasong paglabag sa Section 5, Section 11 at Sec 26 Article II ng R.A. 9165 o “Comprehensive Dangerous Drugs Acts of 2002.