MANILA, Philippines — Isang Chinese national ang dinukot ng mga armadong lalaki at tinangay ang nasa P5 milyong cash nitong araw ng Pasko sa Meycauayan City, Bulacan, ayon sa naantalang ulat ng pulisya kahapon.
Sinabi ni Brgy. Chairman Job Doroja, nakita sa CCTV footage ang pag-atake ng mga suspek sa bahay ng mga biktimang Chinese bandang alas-11 ng gabi ng Disyembre 25.
Nag-iinuman ang mga biktima na kinabibilangan ng limang Chinese na lalaki, dalawang Chinese na babae at dalawang babaeng Filipina nang pasukin ng mga armadong kalalakihan ang bahay at agad silang tinutukan ng baril, iginapos at tinakpan ng masking tape ang kanilang mga mata.
“Siguro kinuha muna ‘yung pera. Nung makuha ‘yung pera sa vault, kasi bukas ‘yung vault nang dumating ‘yung mga operatives, tinalian nila ‘yung mga biktima. ‘Yung iba dinala sa CR,” ani Chairman Doroja.
Kuha rin sa CCTV, ang dalawang pulang kotse na ginamit umano ng mga suspek sa pagtakas patungo sa North Luzon Expressway kasama ang dinukot na 33-anyos na lalaking Chinese.
Umabot pa sa 45-minuto bago tuluyang nakahingi ng tulong ang ibang biktima.
Ayon kay Kap. Doroja, mag-iisang taon pa lamang umanong nangungupahan ang mga biktima sa kanilang lugar at garments for export umano ang alam niyang negosyo ng mga biktima.