2 HVI arestado sa higit P1 milyong droga
MANILA, Philippines — Dalawang high value individual ang naaresto at nasa P1 milyong halaga ng marijuana-laced vapes ang nasamsam sa isinagawang buy-bust operation ng mga otoridad sa Makati City, noong Lunes ng hapon.
Kinilala ang mga naarestong suspek na sina alyas “Raprap”, 22-anyos at alyas “Abo”, 27 anyos.
Sa ulat, alas-3:45 ng hapon nang masakote ang dalawang suspek sa Barangay Pio Del Pilar, Makati at nasamsam ang 85 gramo ng shabu na may standard drug price na P578,000.00 at 165 gramo ng marijuana (Kush) na nagkakahalaga ng P247,000.00.
Nasamsam din ang mga disposable vape pens na naglalaman ng marijuana/cannabis oil mula sa 5 cookies cotton candy flavor, siyam na cookies apple fritter at iba pang uri ng marijuana-laced vape pens na may cookies blueberry, Strawberry kush, at Himalayan Gold, sa kabuuang street value na P148,500.00
Kinumpiska rin ang isang cellular phone, 8 piraso na P1,000 boodle money, isang genuine P1,000 bill na ginamit sa buy-bust operation, isang plastic parcel 9 na pitong tabletas na hinihinalang isa ring iligal na droga at sasakyan ng mga suspek na isang Toyota Innova.
Nakatakdang isailalim sa inquest proceedings ang mga suspek sa reklamong paglabag sa Section 5 at 11 ng Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002).
- Latest