MANILA, Philippines — Dalawang lalaki ang nasawi sa magkahiwalay na insidente ng pamamaril sa Candelaria, Quezon, kamakalawa.
Ayon kay PLt. Col. Alexis Oliver Nava, chief of police dito, ang unang insidente ay nangyari dakong alas-5:30 ng hapon sa Barangay Masin Norte.
Bumibili lamang ng lechon manok sa isang stall ang livestock reseller na si Erickson Amol, 57 ng Barangay Bukal Sur nang lapitan mula sa likuran ng hindi nakikilalang lalaki na nakasuot ng kulay orange na t-shirt at pantalong maong saka binaril ito ng dalawang beses sa ulo.
Patay agad ang biktima habang tinamaan ng ligaw na bala sa hita ang vendor na si “Merlinda” na ngayon ay ginagamot sa Peter Paul Medical Center.
Ang ikalawa ay naganap, alas-7:50 ng umaga na kung saan ay naglalakad sa barangay road ng Sitio Dapdapan, Barangay San Isidro ang biktimang si Alberto Braga, 38 nang patraydor na barilin sa ulo ng dalawang hindi nakikilalang lalaki na kapwa nakasuot ng itim na jacket.
Matapos na maisagawa ang krimen ay tumakas patungo sa Eco-tourism road na sakop ng Barangay Manggalang Bantilan, Sariaya Quezon ang mga suspek.