MANILA, Philippines — Isang ginang ang nasawi habang dalawa pa ang nasa malubhang kalagayan matapos na araruhin ng isang delivery van kamakalawa ng gabi sa Quezon City.
Sa inisyal na ulat ng Quezon City Police District (QCPD), alas-7:00 ng gabi nang maganap ang aksidente sa13th St. kanto ng Victoria, Damayan Lagi sa nasabing lungsod.
Makikita sa CCTV ng barangay na naglalakad ang tatlong magkakaibigang babae sa sidewalk ng Victoria Avenue at pagsapit sa kanto ng 13th St. isang closed van ang humaharurot mula sa likuran ng tatlong magkakaibigan at inararo ang mga ito.
Nadaganan pa ng gulong sa ulo ang nasawing biktima habang tumilapon naman ang dalawang sugatan na mabilis na itinakbo sa St. Luke’s Medical Center.
Nahaharap ang driver ng closed van sa kasong reckless imprudence resulting to homicide at multiple serious physical injuries.