Habang nag-aahit ng bigote nakuryente…call center agent patay sa electric shaver

MANILA, Philippines — Idineklarang dead on arrival sa ospital ang isang 57-anyos na lalaki, isang call center agent, matapos na makuryente habang nag-aahit ng bigote gamit ang electric shaver nitong Biyernes sa Brgy. Greater Lagro, Quezon City.

Sa report ng Quezon City Police District-Criminal Investigation and Detection Unit (QCPD-CIDU), natagpuang patay, alas-10:20 ng umaga ang biktimang si “Vie”, sa loob ng kuwarto ng kanyang bahay sa nasabing lugar.

Sa salaysay sa pulisyang live-in partner ng biktima na si “Ice”, pagpasok niya sa silid ng nakita niya itong nakahandusay sa double deck kaya nila­pitan at ginigising niya.

Habang ginigising ay nakaramdam si Ice ng kuryente nang hawakan ang katawan ng biktima at dito na niya nakitang nakasaksak ang electric shaver na hawak nito.

Humingi ito ng tulong sa mga barangay upang madala ang biktima sa ospital, subalit hindi na ito umabot pa ng buhay. Pa­tuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa kaso.

Show comments