Dalaga hinataw ng dos por dos; suspek napatay

Nanlaban sa mga pulis

MANILA, Philippines — Nasa kritikal na kondisyon ang isang 19-anyos na dalaga nang ito ay hatawin ng dos por dos ng isang lalaking nag-amok na napatay din nang pumalag sa pag-aresto naganap kahapon ng mada­ling araw sa Sitio Bagong Tulad, Purok. 2, Barangay Dalahican, Lucena City, Quezon.

Patuloy na nakikipaglaban sa kamatayan sa Quezon Medical Center (QMC) ang biktimang si alyas Irene, dahil sa mga grabeng tinamong sugat sa mukha at noo.

Habang ang suspek na si Jeffrey Merano, may sapat na taong gulang ay napatay ng mga otoridad nang manlaban umano ito nang aarestuhin.

Sa ulat, alas-4:00 ng madaling araw habang nakikipag-kuwentuhan si Irene sa kanyang mga kaibigan ay nakita niya ang suspek na naglalakad na may dalang dos por dos.

Sinaway umano ni Irene ang suspek na umuwi na, subalit sa halip na umalis ay lumapit ito sa biktima at walang sabi sabing pinaghahataw ito ng paulit-ulit sa mukha at ulo.

Mabilis na nagresponde ang mga nakatalagang pulis sa Dalahican sub station at inawat ang suspek na nag-aamok, subalit sa halip na makinig ay sila ang pinagbalingan nito at sila naman ang pinaghahampas kaya napilitan ang mga nasabing pulis na paputukan ang amok na naging dahilan ng pagkasawi nito.

Ayon sa mga otoridad, bago mangyari ang nasabing panghahataw sa biktima, ang suspek ay may hinabol pa na dalawang kabataan habang hawak ang dos por dos subalit nakatakbo at nakaiwas ang mga ito.

Show comments