Marcos nag-isyu ng EO sa pag-ban ng POGO

President Ferdinand Marcos Jr. on September 26, 2024.

MANILA, Philippines — Ipinag-utos ng Palasyo ng Malakanyang ang agarang pagbabawal o pag-ban sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGO), internet gaming at iba pang uri ng offshore gaming operation sa bansa.

Sa Executive Order No. 74 na ni­lag­daan ni Executive Secretary Lucas Bersamin na may petsang Nobyembre 5,2024, nakasaad dito na hindi papayagan ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) na aprubahan ang mga bagong lisensya at hindi na rin papayagan ang renewal o extension ng lisensya.

Maliban dito, nakasaad din sa EO ang tuluyang paghinto ng operasyon sa Disyembre 31,2024 o mas maaga pa dito.

Itatatag naman ang Technical Working Group on Employment Recovery and Reintegration na tutugon sa problema ng mga mawawalan ng trabaho dahil sa POGO ban at Technical Working Group on Anti-Illegal Offshore Gaming Operations na magpapaigting ng crackdown laban sa POGO.

Inaatasan ang Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC), Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), Philippine National Police (PNP), National Bureau of Investigation (NBI) at iba pang law enforcement agencies na palakasin ang kampanya laban sa illegal POGO habang hiniling ang pakikipagtulungan ng mga lokal na pamahalaan at pribadong sektor.

Nakasaad naman sa EO na ang sinumang opisyal ng gobyerno na mabibigong magpatupad sa kautusan ay maaaring maging basehan ng administrative o disciplinary actions.

Magugunita na noong Hulyo ay inanunsiyo ni Pangulong Marcos sa kanyang State of the Nation Address (SONA) ang agarang total ban sa POGO.

Show comments