NCRPO chief, 14 pulis inireklamo ng extortion
MANILA, Philippines — Nagsampa ng reklamo ang apat na Chinese national laban kay National Capital Region Police Office (NCRPO) acting chief Major General Sidney Hernia at 14 iba pang pulis kaugnay sa umano’y extortion kasunod nang raid sa Century Peak Tower sa Malate, Maynila, kamakailan.
Nagtungo sa Napolcom ang apat para sa reklamong iligal na pag-aresto at hindi binasa ng mga arresting officer ang kanilang mga karapatan.
Sinabi rin ng isa sa mga dayuhan na sinubukan pa ng mga pulis na mangikil ng tig-P1 milyon sa bawat isa sa kanila kapalit ng isang abogadong konektado umano sa mga nakatataas sa NCRPO at para sa kanilang kalayaan.
Sinubukan ng mga naarestong Chinese citizen na makipagtawaran sa mga pulis sa halagang P500,000 bawat isa.
Sinabi ng mga complainant na ang pagkakataong makatawag ang ginamit na paraan para makausap ang kanilang mga pamilya at kaibigan.
Sa halip na lumikom ng pera, hiniling umano nila na magpadala ng abogado upang tulungan sila sa kanilang problema.
Sa inihaing kasong administratibo, hiniling din nila na isailalim sa preventive suspension ang mga inirereklamo upang hindi maimpluwensyahan ang isasagawang imbestigasyon.
- Latest