MANILA, Philippines — Sinusuportahan ng Malacañang ang plano ng Philippine National Police (PNP) na muling buksan ang imbestigasyon ng mga high profile na kaso ng pagpatay kaugnay sa ipinatupad na war on drugs ng nakalipas na administrasyon.
Sinabi ni Executive Secretary Lucas Bersamin na isinaalang-alang ng Marcos administration ang pinakamataas na antas ng pagpapahalaga sa patas na pagbibigay ng hustisya at pagsunod sa batas.
Wala aniyang pagtutol ang Palasyo sa plano ng PNP dahil dapat malaman ang katotohanan sa mga naihayag sa imbestigasyon ng Quad Committee ng Kamara.
Kabilang sa mga nabanggit sa quad Committee hearing ay ang pagpatay sa tatlong Chinese drug lords sa loob ng kulungan sa Davao, ang pagpatay kay Philippine Charity Sweepstakes Office board secretary Wesley Barayuga at iba pa.
Bukod pa rito ang kontrobersiyal na pagkamatay ng ilang mga alkalde na inugnay sa illegal drug trade noong kasagsagan ng drug war ng Duterte administration.