Pumatay kina Barayuga at Halili, iisang grupo lang - PNP

MANILA, Philippines — Malaki umano ang posibilidad na iisang grupo lamang ang nasa likod ng pagpatay kina dating PCSO Board Secretary Welsey Barayuga at Tanauan, Batangas Mayor Antonio Halili.

Ito ang sinabi ni Phi­lippine National Police (PNP) Public Information Office Chief, PBGen. Jean Fajardo sa isinagawang press briefing sa Camp Crame.

Ayon kay Fajardo, nagsasagawa na sila ng masusing imbestigasyon upang malaman kung konektado ang dalawang krimen.

Magugunitang lumutang sa naging pagdinig ng House Quad Committee na pawang mga pulis ang isinasangkot sa krimen.

Ani Fajardo, hindi dapat nagagamit at nasasangkot ang mga pulis sa personal na interes ng mga pulitiko.

Lumitaw din sa pagdinig na wala sa orihinal na narcolist si Barayuga. Nailagay lamang ang pangalan nito sa narcolist matapos itong mapatay.

Gayunman, sinabi ni Fajardo na ayaw niyang pangunahan ang nagpapatuloy na imbestigasyon lalo’t itinuturing itong sensational case.

Kaya’t hahayaan na lamang nila ang Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa paghalukay sa naturang kaso upang malaman ang kalaliman nito.

Show comments