Matrix ng sindikato ng POGO at droga, nabuking ng Kamara
MANILA, Philippines — Nahalukay ng Kamara de Representantes ang ugnayan ng ilegal na POGO, bentahan ng ilegal na droga, land grabbing ng mga Chinese national at extrajudicial killing (EJK) sa pagpapatupad ng drug war ng nakalipas na administrasyong Duterte.
Sa ikapitong pagdinig ng Quad Committee ng Kamara, nabisto nito ang isang malawakang criminal syndicate na pinamumunuan umano ng dating Economic Adviser ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na si Michael Yang at kasabwat nitong si Allan Lim, na isinasangkot sa bentahan ng ilegal na droga at money laundering gamit ang mga ilegal na Philippine offshore gaming operators (POGOs), kasabwat ang mga tiwaling opisyal ng gobyerno.
Nitong Biyernes ng gabi ay iprinisinta nina Senior Deputy Speaker Aurelio “Dong” Gonzales Jr. (3rd District Pampanga) at Deputy Speaker David “Jay-jay” Suarez (2nd District Quezon) ang detalyadong matrix upang maipakita ang “criminal network” nina Yang at Lim sa tulong ng iba pang Chinese national.
Nabuking ang modus operandi na ang mga ito ang nasa likod ng Pharmally, POGO at shabu sa nasabing umano’y “criminal enterprise” na pinamumunuan ni Yang at Lin Weixiong alyas Allan Lim na asawa ni Rose Lin kung saan konektado ang pare-parehong tao na ginagamit ng sindikato. Kasama rin umano ang mga kumpanya na dawit sa POGO at shabu ay ang Paili Estate Group, Paili Holdings, Philippine Full Win Group of Companies, at ang kanilang entry point sa POGO na Xionwei Technologies.
Lumabas din sa imbestigasyon ng komite na pareho ang service provider ng Xionwei at ang kontrobersyal na POGO ni Alice Guo na Baofu.
Inilahad naman ni Gonzales na hindi lamang ito sa POGO at Pharmally dahil may droga pa kung saan sina Lim at Yang ay konektado rin umano sa Golden Sun 999 na may ugnayan naman sa Empire 999 na sangkot umano sa malawakang pamimili ng lupa at pagkamkam ng mga ari-arian gayundin sa illegal na droga.
- Latest